Friday, March 8, 2013

Totoo

ang tagal tagal na pala since nung last entry ko. it's so overwhelming how things and people change that fast. hindi ako maka-catch up, minsan nakakatakot, parang ang dami mong nami-miss. i guess thats how things really are. may mga bagay talaga na kailangang tanggapin dahil yun sila at wala ka ng magagawa para baguhin pa ang mga iyon. no other option but to move forward at maging masaya kung ano yung meron ka at willing na maging sayo. hindi para sa akin si talulot. at hindi siya magbabago para sa akin. magiging hipokrita ako kung sasabihin ko na hindi ko na sya mahal. mahal ko pa rin siya. pero ayoko ng syang makasama. yun ang totoo. masarap alalahanin ang mga pinagdaanan namin, ang maglinger at isi-isipin ang mga moments at kabaliwan na pinagsaluhan namin. pero ganun talaga lahat ng mga nagdaan na. lilingunin mo na lang, minsan may kahalong lungkot, minsan may kahalong saya. hindi porke't gusto mo itong balikan at gunitain sa iyong ala-ala hindi ibig sabihin ay hindi ka nagmo-move forward. bitter ako? oo. nasasaktan? oo. nagagalit? oo. pero kaya kong mabuhay ng wala sya. at hindi ko kailangang magpanggap. dalawa pala ang naging anak namin ni talulot. two beautiful boys. they are my life. matagal na kaming walang komunikasyon ni talulot. maaaring hindi niya kami nakakalimutan, unfair na sabihin ko tuluyan na nya kaming kinalimutan. hindi nakakalimot ang tao, ngunit hindi lahat kayang manindigan. kung ano man ang mga dahilan nya, siya lang ang nakakaalam. ayokong manghusga, ngunit may karapatan akong magalit. marami pa ring katangungang naglalaro sa isip ko. hindi ko alam kung dapat ko ng isuko ang paghahanap ng kasagutan. siguro naman walang masama doon. hindi ko alam kung gaano katagal, but i'll heal. google image

Tuesday, December 6, 2011

Hay

napakaraming naganap samin simula nung huli kong i-post at paulit ulit na basahin ang aking last entry, ang tagal na pala. uulitin ko, maraming naganap: pangit, mas pangit, pagkapangit pangit na mga pangyayari, slightly nakakakilig, nakakawindang, nakakalambot ng puso, nakakaiyak, nakakagalit na parang gustong kong pumaslang, at nakakalungkot.

lagi namang babae ang pinag aawayan namin, nagkakabati rin agad, bakit nga naman hindi pa ako nasanay. hindi ko kayang masanay.

pero andito pa rin ako, para sa kanya, siya para sa akin, kami para sa isa't isa, para sa anak namin, para sa libog at pag-ibig.

paikot-ikot sa salimuot, masaya na malungkot, basta ganun... nagpapatuloy.

sabi ng nakararami.

bat hindi ka pa umalis, wala ka namang mapapala. masasaktan ka lang ng paulit-ulit.

minsan naiisip ko "oo nga naman".

pero bakit andito pa rin ako, nakabitin, hawak pa rin nya ang kamay ko at alam kong hindi nya ako bibitawan. enough na ba na reason yun to continue hanging on? mahirap yun, lalo na kung hindi siya masyadong nag-e-effort na iahon ka gamit ang kanyang dalawang kamay, ng kanyang buong lakas.

masokista ba ako? bulag? nagbubulagbulagan? binulag? tanga? nagtatangatangahan? tinatanga?

hindi ko alam. ang hirap hanapan ng kasagutan ang mga bagay bagay pag nagmamahal ka. minsan ready naman ang mga sagot pero ayaw mong tanggapin kasi masakit. ayaw mong umalis, ayaw mo na mawala sya, masakit ang mag-heal, matagal.

hindi ko kaya ang tagal. mainipin akong tao.

sabi nila, napapag-aralan 'yan, tiisin mo sya. kaya mo 'yan.

honestly, batukan nyo na ako, pero hindi ko kaya. sinubukan ko ng paulit-ulit pero bumabalik ako.

bumabalik rin kasi sya.

sabi nya minsan, ikaw lang naman ang nagde-desisyon na maghiwalay tayo.

totoo.

kasi hindi nya kayang ibigay ang gusto ko.

sabi nya, eh ganun na talaga ako, bat hindi mo na lang tanggapin, para hindi na lang tayo nag-aaway. nagsasawa na ako sa away.

ayaw nya akong mawala pero hindi nya kayang magkompromiso. hindi ko alam ang dahilan at hindi siya willing na sabihin sa'kin kung bakit.

hindi ko alam kung hanggang kelan 'to.

magulo lang isip ko.

gusto ko munang huminga.



google image

Tuesday, October 4, 2011

Love

nagising ako kaninang madaling araw. hindi ko maintindihan kung giniginaw ako o naiinitan. nagkumot ako, pero pinawisan. antok pero hindi makatulog. tiningnan ko ang phone ko, walang new message.

sa panaginip ko tinitingnan ko rin ang phone ko for new message. sa totoo lang tinext ko kasi siya bago ako matulog. sabi ko "ayusin na natin para sa anak natin".

parang ganun lang kadali. mabigat yun. kumplikado. maraming sabit.

maraming maraming sabit kapag nagmahal at nagka-anak ka sa may sabit.

pag magkasama kami at may nakasalubong siya na kakilala, pag nagtanong ang kanilang mga mata, ipapakilala niya ako "asawa ko."

ang sarap sanang pakinggan kung totoo, kung legal, kung walang ibang masasaktan, at hindi nakakahiya.

pero minsan, pikit mata mo na lang lalasapin, papaanurin sa iyong bloodstream, hanggang matangay ka sa delusion.

ganun. ang magmahal.

ano ba ang tamang pagmamahal, ano ba ang maling pagmamahal.

sana pwedeng i-wikipedia.

or siguro mas mabuti na wag na lang i-define.

sabi nila, love is 70% pain, 30% joy. pero enough na daw yung 30% para maging 100% kang happy.

tatlong araw na akong hindi masaya, wala kasi akong 70% pain at 30% joy.


litrato hugot sa deviantart.com

Calaguas

alam nyang gustong gusto ko ang beaches, at ang pinakagrande kong pangarap ay marating ang Calaguas Island sa Vinzon, Camarines Norte kung saan siya ipinanganak.

Naiiyak ako hanggang ngayon pag naiisip ko ang Calaguas. Sabi nya nung huli kaming nagkita, gusto nya akong dalhin dun. Bigla akong nakarating sa Cloud 9 at parang tanga na namang nangarap. Nakakatanga namang talagang mangarap kahit hindi si talulot ang nangako.

Nung isang gabi, bati pa kami nun. Pinaalala ko sa kanya ang Calaguas. Sabi nya, "sama ako pag pumunta ka dun ha, baka naman iba ang isama mo dun ha." Ganun siya ka-naive and matter of factly magsalita. Bigla kong naalala, "teka, di ba siya ang nangakong magdadala sa akin dun? bakit ang parang dating eh sasabit lang siya?" Ayoko namang sirain ang mood naming dalawa, so reply ko na lang sa text "alam mong hindi ako pupunta dun kung hindi ikaw ang kasama ko." Alam ko sa puso ko ang katotohanan at bigat ng aking sinabi.

hindi ko na matandaan ang reply nya.

ngayong "wala" na naman kami. naglulungkut-lungkutan na naman ang puso ko.

pano na ang pangarap kong marating ang Calaguas? ayoko pa ring pumunta dun ng hindi siya ang kasama ko. kung sasadyain ko magpunta dun na iba ang kasama o kung mag-isa, sarili ko at siya ang kusa kong sasaktan.

tapos bigla kong naisip yung mga beach pics nila ni EA.

since kapit-bayan lang nila ang vinzon kung saan nandun ang Calaguas, pano kung silang dalawa ang magpunta dun? may mas sasakit pa kaya dun? naive at matter-of-factly din pala akong mag-isip.


litrato hiram kay Pareng Google.

Friday, September 23, 2011

Sila

eto lang sila.
isa sa mga pics nila.

sa BEACH.

Hayst

napadpad ako sa isang blog kanina. nagkwento yung author tungkol sa kanyang "quest" na makilala ang hindi nakagisnang ama. nakakatuwa kasi never nyang tinry na gamitin ang radio or television networks para manawagan. effective sana na medium 'yun, exponential ang rate ng pag spread ng impormasyon pero shempre nakakahiya lang kaya... ipangalandakan mo ba naman sa buong pilipinas na desperado kang naghahanap ng isang iresponsableng tatay. ewan ko, hindi lang talaga ako big fan ng mga ganyang drama.

so, ang ginamit nyang tool para hanapin si tatay ay si Mr. Google, at nagkataon naman na naging mabait sa kanya ang tadhana. mabilis na natunton ni totoy si tatay sa isang malayong probinsya sa Kabikulan (check na konek pa), at kunektado daw sa militar si tatay.

nagkausap sila sa telepono, simpleng kumustahan, pangakuan na hindi mabilang, pangako na bibisitahin si totoy sa maynila, pero lahat ay nauwi sa pagkapako. May lahi palang indian si tatay. malakas ang kutob ko na nagpapa-5-6 din sya.

pero ang nakakabilib kay totoy, mas malakas pa sa bagsik ni bagyong ondoy ang kanyang fighting spirit. sa kabila ng nakakalunos na pang-iisnab ni tatay eh nakuha pa rin niyang maging positibo na isang araw eh magkaka-MTV silang dalawa. joke. i mean, na magkikita sila face to face at magyayakapan. dinadaan ko lang sa joke kasi sa totoo lang, may kurot ang kwento nya.

naalala ko tuloy bigla si bebeboo ko. alam ko isang araw hahanapin niya si talulot. isang araw magtatanong sya. isang araw gagayahin niya ang ginawa ni totoy at ayokong ganun din ang maranasan nya.

sa totoo lang, ang tagal hinanap ni totoy si tatay militar. painstaking ang process, puno ng pag-asam, pag-asa sa isang one-time big time na "pasabog" sa sandaling dumating ang panahon ng kanilang pagkikita. pero hindi iyon nangyari, kung nangyari man, ano kaya ang pwedeng kasunod? pag asa at pag asam pa rin ba?


larawan hiram kay Pareng Google

Wednesday, September 21, 2011

Gising

nag away kami
tinanong ko sya kung totoo
na naging sila
ang dami dami kasing ebidensya
litrato, mga posts, iba-iba
sabi nya hindi, hindi daw nya yun kilala

tapos nagbati kami
tinanong ko sya ulit
hindi kasi ako mapakali
sabi nya, pwede ba wag na nating pag usapan
okay na naman tayo di ba?
wala na 'yon
basta
hindi na tayo mga bata
sabay hawak ng mahigpit saking kamay
naniwala ako
kasi mahal ko sya
di ba dapat maniniwala ka sa taong mahal mo?

okay na sana
sana...
linggo
nakita ko, sa fb profile nung babae
mga pictures nila
sa BEACH
intimate, alienating, sweet
madaming litrato
silang DALAWA
intimate, alienating, sweet

para kong nahilo
nalunod akong bigla
sa galit, poot, galit, poot
hindi ako makahinga
napapikit ako
matagal
hanggang lumabo sa luha ang mga mata ko

tapos...

bigla akong nagising
ang masakit, hindi IYON panaginip