alam mo ba kung anong tawag dyan sa bicol?
alin?
yung tutubi?
oo...
ano?
"alibangbang"
ahhh...
ang dami-daming tutubi ng hapon na yun, ang saya saya nilang lumilipad sa mababang langit, ang laya.
parang nakikisaya sa nag-uumapaw na tuwa sa puso ko. taimtim ko itong kinikipkip sa loob ko, parang mamahaling porselana na kailangang ingatan para di mabasag.
nakaangkas kami ni bebeboo sa kanyang motor habang tahimik na tinatalunton ang haba ng coast ng Bagasbas Beach.
Nasa unahan ni bebeboo, ang maliit na version ni talulot. nasa likod ako. nakapatanong ang mga kamay ko sa kanyang balikat.
bumulong ako sa kanya.
"parang ang sarap tumira dito, ang simple ng buhay"
"ngayon ko lang narating 'tong parte ng Bagasbas na 'to." yun lang ang sagot nya.
malayo sa tanong ko, pero swak na ako. sana di pa agad namin marating sa kabilang dulo. sana humaba pa ang oras na kasama namin siya ng anak ko sa ganitong ka-simple ngunit makabuluhang sandali. pero di ganun kasimple ang buhay... ang gusto ko. pero pwede kung gugustuhan nya. kung gugustuhin nya.
kaso hindi ganun. hindi ganun...
bukas dalawa lang kaming sasakay ni bebeboo sa bus pauwi kung saan kami dapat.